Isang bagong umaga ang sumalubong sa akin. Maaliwalas ang paligid. Dito'y maririnig mo ang huni ng mga ibon at kalaskas ng mga dahon. Maginaw ang simoy ng hangin na animoy, pasko'y umaaligid na naman sa kanto. Datapwat, kailangan kong balutin ang buong katawan ko upang hindi masilayan ang lamig ng panahon.
Sa kalagitnaan ng aking pagmumuni ay nadinig ko ang pagkalakas-lakas na boses ni Mama. Tinakpan ko ang aking tenga at nag-balak na umidlip muna nang sandali ngunit sadyang nakakainis ang kanyang boses. Bago pa lang binalutan ng liwanag ang mundo ay sira na ang araw ko.
"WALANG TUBIG!" ani ni Mama.
Ang pahayag na 'yun ay bahagyang sinalaysay at sinuri ng aking utak ngunit hindi ko lubos ma-decode ang kanyang sinabi dahil sa kagustuhan kong matulog muna.
Ilang sandali pa'y umigting na naman ang kanyang nakaka-iritang boses. At doon ko na napag-tantong kailangan ko nang bumangon upang simulan ang mahabang paglalakbay na preparasyon bago pumasok ng eskwelahan.
"WALANG TUBIG!" aniya.
"WALANG TUBIG. Walang TUBIG?" Sa dakong ito'y malinaw na kinaliskisan ng aking diwa ang pahayag ni Mama (habang ang mukha'y nadismaya at tila dinaanan ng bagyong Ondoy at 'di lubos malaman kung saan mag-sisimula upang makabangon).
Pa'no na lang ako mag-hihilamos? Pa'no na lang ako mag-sisipilyo? Pa'no na lang kung nauuhaw ako? Pa'no ako maliligo? Pa'no kung na-ji-jingle ako? Lalo na... kung na-je-jebs ako? Pa'no na? Ito na ba ang sinasabing katapusan ng mundo?
Ipagpapatuloy...